6 months ako |
Ako si Strelizia Reginae B. De Castro o mas kilala bilang si Reginae. Isinilang ako noong Nobyembre 29, 1994. 16 na taong gulang. Anak nina Ferdinand at Evelyn De Castro. Ako ay bunso sa limang magkakapatid. Masasabi ko na ako ay palakaibigan, makwento, palabiro at mabait na bata. For sure di ka maiinip o mababagot pag ako ang iyong isinama kung saan-saan dahil medyo gala din ako. Ilang halimbawa lang yan kung sino ako. Mas magiging maganda siguro kung makikilala niyo pa ako sa personal upang lubos niyong malaman kung sino talaga ako.
Pamula sa aking pagkabata, ako ay napahiwalay sa aking tunay na mga magulang. Sa kadahilanang ako ay hiniram ng aking tiyahin, nakatatandang kapatid ng aking ina sa kanilang tatlong magkakapatid. Hindi mabiyayaan ng sanggol ang aking tiyahin ng mga panahong iyon. Sa kagustuhang magkaroon ng anak at may mapagkaka-abalahang bata, nagdesisyon silang mag-asawa na ako ay hiramin sa aking mga magulang. Pumayag naman ang aking mga magulang sa kasunduang ibabalik din ako kaagad pagkatapos ng ilang buwan. Ayun! Kinuha nila ko sa ospital noong kakapanganak ko pa lamang at inuwi nila ako sa kanilang tahanan.
Lumaki ako sa probinsya ng Bulacan. Ang kasunduang pinag-usapan ay hindi nasunod. Hindi ako ibinalik ng aking tiyahin sa aking mga magulang. Tinuring nila ako bilang isang tunay na anak. Sa katunayan pa nga “mama at papa” ang tawag ko sa kanila. Halos lahat ng pangangailangan ko ay sila ang tumugon. Bilang ganti, minahal ko sila at tinuring ko silang mga tunay kong magulang.
8 months ako |
Sa aking pag-laki, hindi naman nila nakaligtaang ipaalala at sabihin sa akin kung ano ba talaga ako at kung sino ang tunay kong pamilya. Halos sila ang nakasaksi at unang nakakita ng mga pagbabago ko habang ako ay lumalaki. Sila din ang unang nakadinig ng mga salitang una kong binigkas.
Lumipas ang isang taon at sa wakas nabiyayaan din sila ng anak at nasundan pa ulit ng isa pagkaraan ng dalawang taon. Naging mas masaya dahil sa may mga kapatid na ako. Hindi nagbago ang pakikitungo nila sa akin. Ako ang nagsilbing panganay na anak at kapatid nila. Nagturingan kaming lahat na parang isang tunay at buong pamilya.
Pinag-aral nila ako sa isang kilalang eskwelahan pang-pribado sa Baliuag,Bulacan. Simula noong Kinder ako hanggang Grade III. Kapalit noon, nag-aral akong mabuti para sa kanila. Napapasama ako sa top 10 at honors ng eskwelahan noong panahong iyon. Naaalala ko pa nga na sa tuwing kuhanan ng card ay nagpapataasan pa kami ng average grade ng aking kapatid. Kumakain din kami sa labas at namamasyal palagi para naman makapag-bonding at makapag-liwaliw. Halos madami na din akong npuntahang mga lugar tulad ng Cebu, Baguio at Bataan. Ang pagpunta sa mga lugar na aking nabanggit ay napaka-memorable at hindi ko makakalimutan sapagkat napaka-saya ko at naaliw ako nang sobra-sobra.
Malaki ang pagpapasalamat ko at sila ang naging katuwang ko at naging parang tunay kong pamilya. Pero kahit ganito, hindi ko pa din kinakalimutan ang aking mga tunay na magulang at kapatid sa Laguna. Bumibisita naman kami palagi doon tuwing matatapos ang school year at doon na rin kami nagbabakasyon.
Dumating na yung araw na kinailangan na nila kong ibalik sa aking tunay na mga magulang dahil nais ng aking tunay na ina ang aming pamilya. Hindi naman ako pinagdamot at tuluyan na din akong sumama sa kanila. Naging mahirap para sa akin ang mga pangyayari. Noong una ay hindi ako sang-ayon sa kanilang naging desisyon, pero wala akong magawa dahil sa bata pa ko. Mas gusto ko kasi na kasama ang aking tita, ang nag-palaki sa akin. Alam kong mali iyon dahil nasasaktan ko ang aking pamilya kaya’t sumama nalang ako sa kanila. Tumagal ako sa aking tita nang halos sampung-taon. Hindi din biro ang ganoon katagal kaya’t ganun nalang ang pagtanggi ko na sumama sa aking tunay na magulang
Pagdating ko sa Laguna,nanibago ako sa aking paligid. Ang laki kasi ng pagkakaiba sa mundong gigalawan ko dati kesa ngayon. Ginawa lahat ng aking mga magulang ang kanilang makakaya upang mapalapit ang damdamin ko sa kanila. Di nagtagal natutunan ko nang makisalamuha sa kanila. Naging masaya naman ako sa piling ng tunay kong pamilya at ayon tuluyan ko na silang natanggap na makakasama ko habang buhay.
Nagtapos ako ng elementarya sa San Pablo Central School taong 2005-2006. Nung mga panahong panahong iyon, naging masayang-masaya ako sapagkat matatanggap ko na ang aking diploma at higit sa lahat ay magiging high school na ako. Pagkatapos na pagkatapos ko ng elementarya kumuha ako ng mga entrance at scholarship exam sa iba’t-ibang paaralan. Swerte ako at nakapasa ako sa exam para makabilang sa Science Curriculum sa paaralan ng Dizon High School.
slolen shot nung 3-science ako |
Sa pagtungtong ko ng high school maraming mga pagbabago ang nangyari at aking naranasan sa buhay. Ayon naging masaya ako sa mga kaklase ko at kaibigan. May mga pagsubok lang talaga na Nkinahaharap pero nareresolba ko naman. Lumipas pa ang ilang taon at magiging fourth-year na ako. Sa di inaasahang pangyayari ako ay nabigo sapagkat ako ay natanggal sa Science section, siguro sa akin ding kapabayaan dahil ako ay malimit na late sa pagpasok. Halos nanatili ako sa seksyong iyon ng tatlong taon ngunit kinakailangan talagang magtanggal ng ilang estudyante at ako ay napalipat sa pangkat A.
4-ablaze (uniform mode) |
Sa una ay nahirapan akong tanggapin dahil hindi din biro na napahiwalay na ako sa mga dati kong kamag-aral at lalo na sa aking kaibigan at kabarkada. Hindi naman din kasi biro ang aming pinagsamahan dahil dito nahubog ang pagiging ako. Dumating ang araw ng pasukan at nasa ikaapat na antas na ako. Kinailangan kong tanggapin ang katotohanan. Bagong mga kamag-aral, panibagong samahan at pagpapakilala ng aking sarili sa mga taong nasa aking paligid.
mini olympics (stolen shot sa iba sa akin hindi) |
Inakala kong magiging mahirap para sa akin ang makisama at makisalamuha sa kanila ngunit mali pala ang aking akala. Naging madali para sa akin ang makisama at makibagay sa kanila dahil sila ay mababait at mga palabirong kamag-aral. Siguro sa tulong na din ng aking kaugalian at karakter kung kaya’t naging madali lang talaga para sa akin. Nakakilala ako ng mga bago kong kaibigan, halos lahat naman ng 4-A na aking kaklase ay naging malapit sa akin. Ang mga kaibigang mapagkakatiwalaan, maasahan at masasandalan sa pagdating ng mga problema sa aking buhay. Naging sobrang saya ko sa bago kong kapaligiran at bagong mga kaklase.
Ngayon na nalalapit na kaming magtapos, susulitin ko na ang mga araw na sila ay kasama ko at magpapasalamat ako sa paaralang Dizon High sapagkat naging masaya ang aking highschool life. Kung mababasa nyo ang aking talambuhay masasabi nyong magulo at pa-easy-easy lang ako pero kung kayo ang nasa kalagayan ko magegets nyo siguro ako at maiintindihan.
Panibagong bukas na naman ang aking haharapin pagkatapos ng lahat ng ito. Salamat 4-ABLAZE sa lahat ng memories. GOODLUCK sa ating lahat!!!!
my best picture :) |